Huwebes, Marso 22, 2012

“Sumasalakay na ang mga sirena sa sankalalakihan, mag-ingat sa mga babaylan...”


Maaaring ito ang madalas sambitin ng mga kalalakihan, o ng kahit na sino pa man sa tuwing makakakita sila ng miyembro ng pederasyon. Hindi maikakailang napakarami na ang lumaladlad ngayon. Mapasaan ka man lumingon ay makakakita ka ng mga makukulay na paru-paru na malayang nakalilipad sa mga pula at puting rosas. Iyan ang mga lalaking dumaan na sa proseso ng metamorphosis, ang mga dating caterpillar na naging butterfly. Ngunit may ilan pa din sa kanila na nakakulong sa kanilang tunay na katauhan. Nakakulong pa din ang kanilang pusong mamon lalo na sa mayroong ama na may bitbit na sandata’t sinturon. Tunay na malakas ang personalidad ng mga bakla. Ang kanilang pagiging kakaiba sa pananamit, sa pisikal na anyo, sa pagsasalita, sa nakakatawa nilang pagkilos, at higit sa lahat ang pakikitungo nila sa ibang tao ang nagiging dahilan para mahalin sila ng iba. Kilala rin sila sa personalidad na pagiging masayahin, matalino, madiskarte sa buhay, prangka at maging sa pagiging nakakatawa sa ano mang bagay.  Ngunit sa likod ng masasayang halakhak nila, ay may lungkot at poot din silang nararamdaman dahil sa pangungutya ng ilan sa kanilang katauhan. May iba rin naman na umaabuso sa kanilang mga kahinaan at pagkatao. Maaaring dahil iba ang paningin at pananaw sa kanila. Bakit nga ba iba? Sa relihiyosong pananaw, sinasabi sa biblia na "walang ginawa ang Diyos na bakla, at isa itong malaking pagkakasala sa kanya".  Ayon sa kanila, tanging ang nilikha ni Hesus ay ang mga lalaki at babae lamang. Maaaring ang intindi ng iba rito ay higit pa sa kasarian, kundi ang pagkatao ng pagiging tunay na lalaki at babae. Bawal ang unidentified flying object o anumang alanganing bagay sa mundo. Ngunit ayon kay Sophocles, isang Gregong manunulat, “Maraming magagandang bagay dito sa mundo, at wala ng gaganda pa sa tao”. Kasalanan ba ang pagiging alanganin sa kasarian ng mga bakla? Ito marahil ang matinding sakit ng ating lipunan, ang pagiging mapanghusga sa iba. Hindi ba’t dapat pa natin silang saluduhan dahil sa pagpapakatotoo nila sa sarili, at sa kabila man ng iba nilang katauhan ay mayroon pa rin silang puso at damdamin. Magiging katanggap-tanggap pa din sila sa mata ng sino man kung patuloy silang gagawa ng kabutihan, at wala silang inaapakan na tao. Ang responsibilidad lang natin sa mga tulad nila ay ang pagbibigay sa kanila ng respeto, dahil pare-pareho tayong mahal ng Diyos, at hindi pamantayan ang kasarian para mahalin tayo ng iba. Lahat tayo ay binigyan ng pantay-pantay na karapatan para mamuhay sa mundong ibabaw.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento